WALL-E

Sa pag-upo ko sa sinehan, katabi ang bagong biling laruan ng panonooring pelikula, bigla kong naisip na katunog at magkawangis ang konsepto ni WALL-E at ng walis. Fil-Am ba si Andrew Stanton o ang iba pang manlilikha ni WALL-E?

Hindi mukhang walis si WALL-E, ang kahuli-hulihang robot sa mundo, lalong hindi rin siya mukhang trash compactor kahit pa pagcompact ng basura ang paulit-ulit nitong trabaho o “directive”. Cute si WALL-E at cute ang bawat kilos niya. Kinikiliti ng kakyutan na ito ang nakatagong deprived six-year-old sa utak ko. (Bibili ba ko ng laruan kung hindi ba naman ako walang sira sa ulo?)

Mas cute si WALL-E kaysa kay ET (kasi naman mukhang Troll si ET), ang modelong pinagkopyahan ng hitsura at personalidad ng karakter, kundi man ang lipad ng buong kuwento. Pag-uwi rin sa pinagmulang planeta (“ET, phone home”) ang nasa ubod ng naratibo ng WALL-E kahit pa nakasentro ang istorya sa “pag-iibigan” ng dalawang robot.

Cute at mapapa-aahh ka sa mga romantikong tagpo nina WALL-E at EVE. Kung bakit ba kasi hindi na lamang pinanatili sa ganitong lebel ang buong palabas, di sana hindi pang-parental-guidance ang pelikulang ito. (GP ang rating ng MTRCB dito. Ano ba naman ang maasahan natin sa mga censor na bano?)

Para sa akin, nakakaaliw ang WALL-E hanggang sa puntong lumitaw ang mga karakter na “tao” sa spaceship na Axiom sa ikalawang yugto ng pelikula (maaaring hatiin sa tatlong yugto ang WALL-E). Narito ang distraction/destruction ng WALL-E: ang pagsulpot ng mga tema’t abstraksyon na parang pwersang sentrifugal na itinatapong tila basura ang anumang halagang pang-aliw ng palabas.

Sa isang interbyu, ayaw aminin ni Stanton na may “agenda” ang WALL-E. Para sa kanya, “nagkataon lang” ang samu’t saring moral, siyentipiko, ekolohikal, at pulitikal na elementong nilaman ng pelikula. Gusto tayong paniwalain ni Stanton na ang pagkatha ng film script ay hindi sinasadya (parang Disney, parang magic) tulad ng ilusyong pinalalaganap sa bawat pelikula lalo na ang mga gawang Hollywood o Pixar.

Isang nakababahalang ilusyon halimbawa ng pelikulang WALL-E ang ideya na sanhi ng automasyon/robotisasyon, dudulo ang sibilisasyon sa kalagayang tuluyang maglalaho na ang paggawa (o labor) at wala nang ibang gagawin ang tao (maliban sa pinuno ng mundo; sa kaso ng WALL-E, ang kapitan ng Axiom) kundi ang kumain, matulog, magpaganda, mag-aliw, kumain, mag-aliw, matulog, at kumain ulit. Kalabisan namang pangarapin na nabasa ni Stanton ang Das Kapital ni Marx ngunit sana kahit paano ay napahapyawan niya ang The End of Work ni Jeremy Rifkin. Tila isang mechanized na utopia ang Axiom kung di mo wari na ang spaceship at ang pananatili rito ay pinagkakakitaan ng higanteng monopolyo na Buy n Large.

Demokrasya ng imahinasyon diumano ang malayang kathain ang mga posibilidad ng isang kuwento, lalo na sa pelikula, na para bang ang utak ng awtor/direktor ay isang spaceship na nakalutang sa di-matitiyak na posisyon sa kalawakan. At sa mundo ng animasyon at scifi, laging ginagawang kapani-paniwala ang mga bagay na imposible. Hindi ko hinahanap ang katumpakan ng representasyon ng siyensya at kapitalistang lipunan sa WALL-E. After all, it’s a movie and it’s a cartoon. Hindi rin naman hahagilapin panigurado, lalo na ng bata o isip-batang manonood, ang ganitong representasyon.

Sa akin lang, hindi na sana tumungo ang WALL-E sa pulitikal na satirika at naglunoy sa etikal-panlipunang dilemma (na hindi rin sapat na niresolba sa dulo ng palabas) tulad ng lantarang pagbalahura na ginawa nina George Miller sa Happy Feet. Hindi nababagay sa mga ganitong pelikula, na ang pangunahing audience ay mga bata, na maglaro sa mga temang hindi naman kakayaning mapanindigan. Kung pag-iibigan ng dalawang makinang hindi naiprograma para makadama ng emosyon ang pangunahing layunin ng kwento, marapat na nanatili na lang sa ganitong lunan ang WALL-E.

Mabuti na lang at cute si “waah-lee”.

  1. akin na lang si wally!

    • kutosasinema
    • Agosto 21st, 2008

    dalhin ko na lang diyan sa opis mo. pero akin pa rin siya! hehe..

  1. No trackbacks yet.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: