Walang Kawala (No Way Out)

noway

Posibleng direktang pinaksa na ng pelikulang ito ang politikal na usapin ng desaparecidos. Posibleng ito ang nawawalang sequel ng pelikulang Huwag po! Huwag po! Posibleng ikaw na mismo ang magfill-in-the-blank sa tanong na “Ano raw?” at magkandapilipit man ang dila mo sa paliwanag, pihado gayon pa rin ang magiging pagtangkilik dito. Dahil walang inaabangan at walang ibang mahalaga para sa sandamukal na mga bakla sa loob ng sinehan, lalo na ang mga nakatayo sa likuran kahit pa kadaming libreng upuan, kundi ang pagleleps-to-leps ni Bitangcol at Ravales, liban pa sa mga eksena ng macho dancing. Kahirap maging lalakeng artistang walang career sa telebisyon sa panahong ito ng piniratang DVD at mas liberal na homosexualidad. Pampatigas-titi na lang ang papel nila sa altar ng merkadong handang dumayo sa UP Film Center at sa dadalawang sinehang pinagpapalabasan ng ganitong palabas. Narito ang bagong uri ng kanibalismo, nasa luklukan ng “katalinuhan” at komersyo, at paglabas mo ng sinehan, nangangamoy di lang dugo kundi pati tamod.

Madagascar: Escape 2 Africa

madagas2b

Tunay na hindi nasyon, pinagmulan, o katangiang pisikal ang susing usapin sa usapin ng identidad kundi ang empirikal na pakiramdam, kung ano ang lantay na pinipintig ng puso. Pusa ka man o hippopotamus, pero kung ang sinasabi ng iyong hypothalamus ikaw ay isang inuuod na tuod, sa modernong panahon ng hightech na animasyon, malamang ikaw nga ay isang nabubulok na kahoy. Dahil virtualidad at hindi corporeality ang mahalaga sa epokang digital, ang epoka ng emo at hindi ng rason. Ngunit kung nabatid ito ng mga batang manonood ng Madagascar 2, tanging mga alipores ni Spielberg na lang ang nakakaalam.

Quantum of Solace

quantum

At buong akala natin ay nilisan na ng seryeng ito ang palagiang arko ng kwentong James Bond—ang iligtas ang mundo mula sa pangunahing kaaway ng idyolohiya at sistema ng kapital sa panahon ng pelikula. Dahilan para kumitid ang mga dahilan sa patuloy nating pagtangkilik sa prangkisa ni Fleming sa: (1) bond girl, (2) mga eksena ng habulan, at (3) pambungad na awit. Gayunman, hindi pa rin mahihigitan nina Alicia Keys ang Diamonds are Forever, Live and Let Die, at A View to A Kill.